Post by thepoetslizard on Oct 10, 2008 16:04:14 GMT 2
Benilda Santos
Bio from the Panitikan website
www.panitikan.com.ph/authors/s/bssantos.htm
"Ang Sabi Ko Sa Iyo"
Bumalong ang dagta
sa hiniwang kaymito.
Namuo sa talim
ng kutsilyo ang ilang patak.
Diyan ako naiwan, mahal,
at hindi sa laman.
*
"What I Said To You"
Sap bloomed
from halves of the star-fruit.
Along the edge of the blade,
a few drops thickened.
Find traces of me there, my love,
not in the fruit's flesh.
~ translation by Luisa A. Igloria
*
"Noong Araw na Bumili Ako
ng Kapirasong Stalactite sa Bundok Banahaw"
Limang daang piso
ang tawad ko
sa stalactite
singhugis ng kalahating hita
ng pitong-taong bata.
Binalot iyon
sa lumang diyaryo
ipinailalim sa damit at libro
sa aking overnight bag.
Naglakbay pababa sa bundok
sumubo sa trapik
saka ko iniluklok
sa piling tanghalan
sa aking silid-aklatan.
Kinagabihan
taimtim na pinagmasdan
pinagmuni-munihan
sa tanglaw ng puting liwanag
ng lamparang fluorescent.
Doon
sadyang nabanghay
maningning na krokis
ng aking kalansay.
Web source: High Chair, Issue #5
www.highchair.com.ph/stalactite_santos.htm
*
"Pagkatapos ng Almusal"
Pagkainom ng sambasong tubig.
Pagkakain ng pritong tuyo’t itlog
at sariwang kamatis
na ibinabaw sa sinaing.
Pagkaalmusal
samantalang patungo sa lababo
nang makapagsipilyo.
Napansin ko
noong sandaling iyon
napansin ko
kumawala ako sa panahon.
Wari may nahawing kurtina
sa aking mga mata.
Nakita ko
ang kaliwang kamay tangan ang colgate
ang kanang kamay tangan ang sipilyo.
Nakita ko
ang mga kamay ko ay ay ako
magpawalang-hanggan.
Ako sa pagsisipilyo
wala nang ibang alternatibo.
Ako sa pagsisipilyo
ganap na ganap, totoong-totoo.
Ako sa pagmumumog
ako pa rin
sa nakaraang pagbangon at pagtulog.
Ako sa pagbibihis, pagsasapatos.
At sa paglabas ko ng bahay
pagsakay ng kotse
sa pagpapainit ng makina
sa pagmamaneho
sa pagliko sa kanto
sa pagliko nang likung-liko
ako at ako lamang
kasama ko
nang walang ibang dahilan
kundi maging sadyang
ako.
Web source:
www.panitikan.com.ph/poetry/pagkataposngalmusal.htm