Post by thepoetslizard on Oct 10, 2008 15:57:47 GMT 2
Lory Medina wrote these protest poems while she was working as a writer in a government agency. A bilingual writer, she writes poetry in both English and Filipino, essays in English, and short stories in Filipino. In the aftermath of the assassination of Benigno Aquino in 1983, she joined street protests amid threat of reprimand from her office. In those times, the military managed surveillance units in unlikely places such as government offices to silence dissent and sow fear among employees. Lory currently lives with her husband in Seoul, Korea, engaged in painting, writing and editing. Readers can view her work at
www.loretamedina.com
"Paglilimi ng Isang Empleyado sa Gobyerno"
"At around noontime, a holiday crowd started pouring into the open plaza named after a freedom fighter whose identity Ninoy himself had borrowed." ~ WHO Magazine, October 5, 1983.
Ngayon, dito sa Liwasang Bonifacio
Muli kong napapagtanto
Aking katawan pala'y di ko angkin.
Isip ko'y nakapiit sa parisukat ng silid-tanggapan
Tinig ko'y pinapaos ng lamig ng aking gawain—
Magtugma ng mga salitang
Nagpapagalaw sa mga lampa
Nagpapausbong ng mga halamang lanta.
Pinipili na aking mga mata ang mga larawang tinititigan
Mga paa ko'y hila-hila ng mga pisi ng hagdanan
Mga bisig ko'y nakagapos sa mga haliging nakamasid
Mga dingding na nakikinig—
O, kay saklap na kapalaran!
Kaya kinaiinggitan ko itong aking katabi
Mga paa'y nakatitiyak sa lupa
Malaya ang kanyang mga kilos
Tuwid ang kanyang tindig
Mga mata niya'y masidhi
Tinig niya'y walang ngimi.
Nahuli ko pa nga siyang ngumiti.
*
"Kumpisal, Isang Araw ng Miyerkules"
"Protestors from all over Metro Manila represented all sectors: rich and poor, old and young. They gathered in the afternoon heat...to produce what must be the biggest anti-government rally ever held since 1969." WHO Magazine, October 5, 1983
Ngayon, Setyempre 21, ako'y nasa harap nitong simbahan
Ngayo'y hindi Linggo, hindi araw ng pagsamba—
Miyerkules pa lamang ngayon.
Dapat, ako ngayo'y nakaluklok sa aking upuan
Nagmumukmok sa isang sulok ng upisina
Pinagmamaktulan itong malungkot na kalagayan:
Ang tungkuling magsulat
Maghabi ng mga salitang hapis, maputlat't payat.
Ako ngayo'y naririto
Nagnanais makibilang, nakikiisa sa sanlaksa
Silang hindi pa pinagpapanawan ng gunita
Silang ayaw magpapiring
Tumatangging magpabusal ng bibig
Magpagapos sa takot
Magpapiit ng isip.
Tulad nila, nais kong ihagis ang aking poot
Sa mga naghaharing buktot.
Nais kong isabuhay ang pintig ng panahon ngayon
Itong panahon ng ating pagkamulat, pagbubukas-isip
Pagpapatibay-lakas, pagbibigkis-bisig.
Ngayo'y naririto ako
Minamalas ang pagdagsa ng mga pulutong
Iniluluwa ng mga daan at lagusan—
Larawan ng malayang alon.
Dama ko ang silakbo ng kanilang puso
Piglas ng kanilang tinig
Diwang nagpupuyos, nagngangalit-
Ang pulso ng bawat himaymay
Ng buo nilang buhay.
Animo'y isang moog
Matatag, walang alinlangan
Malaya, walang pangamba.
*
"Ang Hari at Hanip"
(Isang Parabula ng Ating Panahon)
Ngayon ko lang nalaman
na ang Hari at hanip pala
ay magkamag-anak
at magsinghilig.
Ang Hari ay nag-utos sa heneral
na nagkalatas sa kapitan
na tumawag sa sarhento
na bumulyaw sa sundalo
na nagparating sa malaking pinuno
na sumenyas sa maliit na pinuno
na tumapik sa sekretaryo
na pumaswit sa empleyado
na sumigaw sa kasamang empleyado
na nag-utos sa katulong
na sumipa sa kabayo
na tumadyak sa kalabaw
na umangal sa aso
na kumagat sa pusa
na sumakmal sa daga
na lumigkis sa ipis
na kumain sa langgam
na lumamon sa kuto.
Tumalima naman ang hanip.
*
Web source:
Our Own Voice
September 2007 (Martial Law) issue
www.ourownvoice.com/poems/poems2007b-medina1.shtml